CVAP Day 2- Ang PagTWOpad ng Pangarap

 "Ang bottom line, mag-FOCUS ka sa isang bahagi ng voice acting industry kung saan mo nakikitang mas made-develop at magtatagumpay ang sarili mo."

2019, tuwang-tuwa na ako na nakabili ako ng libro kasi 'yun pa lang ang kaya kong bilhin. Gustuhin ko mang pumunta sa Maynila para umattend ng workshop eh hindi talaga kaya ng budget ang pagpunta mula dito sa Batangas. Pero ano ba itong naririnig ko? Bakit parang 'yung binabasa ko lang noon, napapakinggan ko na sa sarili kong mga tenga ngayon? 

Napasampal tuloy ako ng bahagya sa aking pisngi! TWO-too na nga pala. Totoo na nga pa lang naririnig ko na ang mga lessons na noon ay nababasa ko lang. Sa katunayan, Day Two na pala ng aming Voice Acting Workshop. Kaya naman habang nakikinig ako sa lecture, hindi ko maiwasang maitala ang dalawang bagay, dalawang aral at dalawang hamon na 'di ko makakalimutan ngayong araw. 

TWO THINGS

One. Audacity. Isa ang Audacity sa mga DAWs na maaari naming gamitin upang mas mapaganda pa ang kalidad ng aming mga recorded materials. Isa ito sa mga pinakamadaling matutunan ng isang beginner at sa tulong nga ni Sir Josh eh natututo na naman ako ng panibagong software ngayong araw. 

Two. Adobe Audition. Sabi ni Sir Josh, "kung may alam kayong cracked file, pwede din". Sige Sir, noted with thanks! De, biro lang. 'Dun pa rin tayo sa legal syempre. May bayad nga lamang itong software na ito, pero hamak na makakatulong talaga para sa mga Voice Artists. Medyo mahirap intindihin sa una kasi hindi talaga ako magaling pagdating sa editing, napapakamot na nga ako ng ulo. Pero tila ba eh kinalabit ako ng sinabi noon ni Sir Pocholo, "Walang nagsisimula ng magaling, kaya lang gumaling kasi nagsimula". At napangiti ako. 

TWO LESSONS

One. Basic Equipment. Nabuhay ang aming mga dugo dahil sa mga ipinakitang mga gamit ni Sir Josh na iba't-ibang uri ng microphones, audio interface, pop filters, at mga gamit para sa soundproofing. Mga gamit na pwedeng panimula sa pagkakaroon ng Home Studio. Nasabi ko na lang sa sarili ko, malapit ko na ring mabili ang mga yan Sir Josh, pera na lang talaga ang kulang. 

Two. Niche. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang kalakasan at kahinaan. Maaaring magaling ka pagdating sa pagboboses sa mga Anime, pero magaling naman siya sa pag-vovoice over sa mga AVP o PSA. Tumatak talaga sa isip ko ang sinabi ni Sir Josh na, hanapin natin kung nasaan 'yung strength natin at para mahanap natin yun, may tatlong bagay na dapat mong ikonsidera, Uri ng Project, Katangian ng Boses at Kakayahan at Interes. 

TWO CHALLENGES

One. One step at a time. Gusto ko sanang matututunan lahat ng iba't-ibang klase ng Voiceover at maging Character Voices. Kaya lang sa ngayon, pagvovoiceover pa lang ang napapag-aralan ko. Kaya naman, isang hamon sa akin ang assignemnt namin, dahil kahinaan ko talaga ang panggagaya ng boses. Kaya ko 'to! Kaya nga nila eh, kakayanin ko rin!

Two. PagTWOpad ng Pangarap. Direk. Direk Len. Noon pa mang maliit pa ako (kahit di naman talaga ko lumaki) eh pangrap ko nang maging isang direktor. Bagamat, nagagawa ko na ito ngayon sa aking propesyon o trabaho, tila tumalon pa rin ang puso ko nang tawagin ako ni Sir Rich dahil may nagnominate sa akin na maging direktor para sa gagawin namin na Batch 12 Recital. Dugdug dugdug dugdug. Teka, 'di naman ako tumakbo pero grabe ang tibok ng puso ko. Napabiro na lang tuloy ako na last day ko na ngayong Day Two na papasok. Hahaha. Natutuwa ang puso ko dahil sa tiwalang ibinibigay ng mga Voicemates ko. Pero sa likod nito, kinakabahan ako. Dahil sa likod ng tawag na "Direk", malaking responsibilidad ang kaakibat. Isang hamon. Pero alam ko na ang hamon na ito ay isang hakbang papalapit sa PagTWOpad ng aking pangarap. 

Mga Komento