CVAP Day 1- PanimuLaban!

  “Kapag stressed ka at hindi ka masaya, nasa maling pangarap ka. Pero kapag stressed ka ngunit masaya ka, nasa tamang pangarap ka na”

Simula. Ito na ang simula ng pag-abot ko ng aking pangarap. Minsan na akong nag-alinlangan dahil sa kakulangan sa pagkukunan at kawalan ng kumpyansa sa sarili, subalit habang inaayos ko ang aking mikropono Sabado ng umaga, habang binubuklat ko ang aking laptop at inilalagay ang aking headphone sa aking tenga, napangiti ako. Nadagdagan pa ito ng biglang tinawag ako upang kamustahin ng mga napakahuhusay na hosts ng programa o workshop na matagal kong pinaghandaan at pinagdasal. Eh paano ba naman kasi nagsusuklay pa ako ng mga oras na iyun, hindi pa ako ready! Pero naitawid pa rin. Kahit paano ay naibsan ang aking kaba sa pagbubukas ng panibagong pinto ng oportunidad. Isa sa mga sumalubong sa amin sa bungad ng pintong iyon, si Mr. Pocholo Gonzales. Voicemaster. Lodi ika nga. Lalo pa akong nabuhayan dahil sa mga salitang kanyang binitawan lalo na ng sabihin niyang ang boses natin ay biyaya ng Panginoon at ang paggamit nito sa tamang paraan ang biyaya natin pabalik sa Kanya. 

Laban. Nagsimula na ang laban, hindi dahil kaaway ang mga kasama kundi dahil laban ito ng aking sarili para sa pangarap. Pangarap na minsa’y tinupad rin bg CVAP sa aming head trainer na si Ms. Pau Castillo. Napanganga ako. Ang ganda kasi! Ng presentation nya. Hindi, biro lang, syempre pati sya. Isa sa mga tumatak sa akin ay ang paglilinaw niya sa mga haka haka ng ibang tao pagdating sa voice acting. Magbasa ng script, magsalita, madali ang pera. Hindi. Maling-mali. Mahirap. Kelangan ng napakaraming bagay upang maging isang epektibong Voice Artist. Hindi basta-basta. May mga panahon na maisstress ka talaga pero ang mahalaga, masaya ka. Higit sa pera ang nag-aalab na puso na mabigyang boses ang bawat isa. 

Tapos na. Tapos na ang mga araw na pinangungunahan ng takot dahil sa sasabihin ng iba. Tapos na ang mga pagkakataong pakiramdam ko ay nag-iisa dahil bago pa matapos ang araw na ito, nakakilala ako ng mga taong bago kong makakasalamuha. Iba’t-ibang taong tutulong at huhubog sa kung sino ako bilang isang tagapamahagi ng sining, bilang Voice Artist. Maraming pasubok na iniwan sa amin upang mas madiskubre namin ang aming mga sarili. Paggawa ng TV Ads, Radio Commercials, AVPs, Vlogs, Social Media Accounts at maging pagbuo ng aming magiging pangalan na balang araw ay tatatak sa mga tao dahil sa angking boses na ipinamalas sa lahat. LendezVox,  yan ang naisip kong pangalan mula sa salitang Ingles na “rendezvous” na nangangahulugang pagtatagpo ng dalawang tao sa partikular na oras at panahon. At dahil dito, ang aking (Len) boses (Vox) ay kung saan nagtapo ang aking passion at sining. Narito na, dama ko na ang pagsisimula. Bagamat natapos na ang unang araw ng aming pagsasanay, hudyat pa lamang ito ng PanimuLaban ng aking buhay! 

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento